Nanghihina man at pumayat, buhay na nailigtas ang isang aso na pinaniniwalaang isang buwan na na-trap sa pagitan ng mga pader matapos na iwan ng dati niyang mga amo sa Cavite City.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing walang tigil sa pagtahol ang aso hanggang sa mapansin siya ng mga bagong lipat sa isang apartment, at kaagad na ipinagbigay-alam sa mga kinauukulan.
Nakipag-ugnayan ang mga ito sa animal rights group na People for the Ethical Treatment of Animals (PETA), na umaksyon upang masagip ang aso.
Matapos mabutas ang pader, tumambad na sa kanila ang aso na aksidenteng nakulong sa pagitan ng mga pader.
Dahan-dahang inilabas mula sa pader ang aso, na payat na payat, tila nanghihina, at nakitaan din ng mga sugat.
Base sa pagsisiyasat ng rescuers, natuklasan nila ang nakadudurog ng puso na kuwento ng aso.
Inabandona umano ito ng kaniyang mga dating amo at aksidenteng na-trap sa pader nang magtrabaho noon ang mga construction worker.
Isang buwang nagtiis ang aso sa pagitan ng mga pader at hindi na nakakakain.
Upang mabuhay, umiinom ito ng tubig-imburnal mula sa isang butas.
Pinangalanang Wally ang nasagip na aso, na agad dinala sa beterinaryo at nilapatan ng lunas ang mga sugat nito.
Patuloy na nagpapagaling si Wally sa isang shelter.
Nasa maayos na itong lagay at hahanapan ng kaniyang magiging bagong tahanan at mag-aaruga.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News