Sakay ng wheelchair, dinala ng isang babae sa isang bangko sa Rio de Janeiro sa Brazil ang isang 68-anyos na lalaki na ilang oras nang patay para mangutang.
Sa ulat ng Reuters, kinausap umano ng suspek na si Erika Vieira Nunes ang mga kawani sa bangko na mangungutang ang kaniyang tiyuhin ng 17,000 reais o $3,250.
Sa video footage na kuha mula sa security camera ng bangko, makikita si Nunes na hawak ang ulo ng lalaki at inilalagay sa kamay nito ang ballpen para pumirma.
"Uncle, are you listening? You need to sign," madidinig na sinasabi ng suspek sa lalaki na tila nais palabasin na siya na lang ang pipirma.
"He doesn't say anything, that's just how he is," sabi pa ng babae. "If you're not okay, I'm going to take you to the hospital."
Pero naghinala ang mga tauhan sa bangko dahil ilang beses bumabagsak ang ulo ng lalaki kaya tumawag na sila ng pulis.
Naaresto ang babae na mahaharap sa reklamong panloloko. Dinala naman sa morgue ang bangkay ng lalaki.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News