Nakakuha ng mga libreng isdang “malangsi” o “mangsi” ang ilang residente sa dalawang bayan ng Cebu matapos na mapadpad ang mga ito sa tabing-dagat.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing 4:00 pm nitong Huwebes nang makita ang mga isda malapit sa pantalan sa munisipalidad ng Argao.
Ilang tao ang bumaba sa pantalan para kunin ang mga isda na inihahagis nila sa itaas para kunin ng iba pang residente.
Sa katulad na oras, may mga isda rin na napadpad sa tabing-dagat ng Barangay San Roque sa bayan ng Ginatilan.
Makikita sa video na may halos mapuno ng isda ang dalang planggana ng ilang residente.
Nangyari rin ang fish stranding sa Poblacion sa Ginatilan noong Pebrero 11 hanggang 13, 2024.
Ayon kay Mario Ruinata, regional director (officer in charge) ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 7, ang pagdagsa ng mga isda ay bunga ng ipinatupad na three-month closed fishing season.
Ipinagbawal ang commercial fishing sa Visayan Sea noong November 15, 2023 na tumagal hanggang February 15, 2024. -- FRJ, GMA Integrated News