Napigilan ng isang waitress ang isang malagim na trahediya sa loob ng isang restaurant na may pool sa Thailand nang sagipin niya ang isang batang nalulunod habang tila atubiling sumaklolo ang ibang tao.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa CCTV footage ng restaurant sa Chiang Mai province na isang bata ang nagpunta sa gilid ng pool at umupo sa bangko.
Habang nakaupo sa bangko, niyugyog ng bata ang upuan hanggang sa tumaob ito at bumagsak siya sa pool na may tubig.
Dalawang adult ang kaagad na lumapit sa pinangyarihan ng insidente pero hindi sila lumusong sa tubig para sagipin ang bata.
May ilang adult pa ang nasa tabi ng pool ang walang ginawa at mistulang nakiusyoso lang nangyayaring kaguluhan.
Sa sandaling iyon, lulubog-lilitaw na ang bata at anumang sandali ay maaaring tuluyang na siyang lamunin ng tubig sa harap ng mga taong tila nakamasid lang.
Hanggang sa dumating na ang isang waitress na agad na inalis ang sapatos at tumalon sa pool. Kinuha niya ang bata na nakalubog na tubig at iniabot sa mga taong nasa gilid ng pool.
Nakaligtas ang bata, habang ang lalim ng tubig sa pool, nasa hanggang dibdib lang pala ng waitress.
"We published this video of the child falling into the pool as a reminder to all parents and customers who visit our restaurant," ayon sa pamunuan ng restaurant.
Ikinalungkot nila ang nangyari at gagawa raw sila ng paraan upang hindi na iyon maulit.
Pinuri naman ng pamunuan ng restaurant at pinasalamatan nila ang kanilang tauhan na sumagip sa bata.
"The waitress is very humble and was concerned only with checking the child was safe," ayon sa pamunuan ng restaurant. -- FRJ, GMA Integrated News