Nagtatahol na tila nagsusumbong ang isang alagang aso nang itago ng anak ng kaniyang fur parent ang kaniyang unan sa Laguna.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa video upload ni Mama Ann, na tumatahol ang alaga niyang aso na si Bela, habang nasa tabi ng anak nito na nakahiga.

Ilang beses ding kinakalabit ni Bela ang kaniyang "kuya," na siya palang nagtago ng kaniyang unan.

Pero matapos na i-kiss si Bella, inilabas na ni kuya ang kaniyang unan na pinatungan pala ng iba pang mga unan na hinigaan nito.

Ayon sa fur parent na si Mama Ann, kabisado ni Bela ang kaniyang unan kahit pa raw palitan ito ng ibang punda.-- FRJ, GMA Integrated News