Isasalang sa paglilitis ang isang babae sa Bavarian, Germany na pinaniniwalaang pumatay sa isang babae na ka-edad at kamukha niya. Hinihinala ng mga awtoridad na ginawa ito ng suspek para i-peke ang sarili niyang pagkamatay.
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabing inakusahan ang suspek na babae at isa pang lalaki na kasabwat nito na naghikayat sa 23-anyos na biktima na sumama sa kanila at pinatay nila sa saksak.
Inilagay ang bangkay ng biktima sa sasakyan ng babaeng suspek para palabasin na katawan niya ang biktima.
Nitong Martes, hiniling ng abogado ng suspek na ipagpaliban ang paglilitis dahil huli na nang makuha nila ang mga dokumento, ayon sa tagapagsalita ng korte sa Bavarian.
Unang nabalita ang insidente nang makita ang naturang bangkay ng biktima noong August 2022.
Unang inakala ng mga awtoridad na ang bangkay ay ang suspek na siyang may-ari ng sasakyan. Pero sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nadiskubre na ibang babae ang biktima na "remarkably similar" ang hitsura sa suspek.
Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na hinanap ng babae at kasabwat nito ang biktima sa social media.
"Investigators now believe the female suspect wanted to go into hiding and fake her death due to family problems," nakasaad sa inilabas na pahayag ng mga awtoridad noong Enero 2023.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ilang babae na kamukha ng suspek sa social media ang tinangkang alukin ng mga suspek na makipagkita sa kanila at nag-aalok ng kung ano-ano.
Hanggang sa makumbinsi nila ang biktima na makipagkita sa kanila at sinundo sa Heilbronn. Dinala ang biktima sa kakahuyan at doon sinaksak, at inilagay sa sasakyan at iniwan sa Ingolstadt.
Ayon sa Der Spiegel magazine, nakipaghiwalay ang babaeng suspek sa asawa, na dahilan para magalit sa kaniya ang kaniyang mga kamag-anak.
Tinangka rin umano ng suspek na kumuha ng hitman para ipapatay ang kaniyang bayaw. — AFP/FRJ, GMA Integrated News