Nailigtas ang isang aso na nahulog sa 300 talampakang bangin matapos mag-deploy ng helicopter ang U.S. Coast Guard sa pagsasagawa ng rescue operation sa Oregon, U.S.A.
Sa video ng U.S. Coast Guard, na mapapanood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang kinabitan ng harness ang isang coast guard personnel bago siya maingat na bumaba mula sa helicopter.
Ginawa ang buwis-buhay na misyon upang sagipin ang asong si Leo.
Nang ma-secure na ang aso, hinila na sila ng mga coast guard pabalik sa helicopter.
“The aircrew quickly sprang into action and flew an MH-60 Jayhawk helicopter to the scene. They successfully rescued the pup and reunited him with his owners,” saad ng U.S. Coast Guard.
Ligtas na naisauli si Leo sa kaniyang mga amo, na nag-aabang sa pagbabalik ng kanilang alaga.
Yumakap pa ang mga may-ari sa coast guard crew na sumagip kay Leo bago sila umalis upang ipasuri ang aso.
Nasa maayos na kondisyon na raw si Leo, na nagtamo ng kaunting sugat at galos sa katawan. — VBL, GMA Integrated News