Sugatan ang isang pulis sa Alabel, Sarangani nang bumagsak ang kaniyang baril, pumutok, at tinamaan ang maselang bahagi ng kaniyang katawan habang nasa banyo.
Sa ulat ni Abbey Caballero sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, sinabi ni Alabel Municipal Police Station Deputy Chief, Captain Jonie Ocampo, na magbanyo ang biktimang pulis nang malaglag ang baril nito at pumutok.
Nabasag din ang bahagi ng inidoro dahil sa insidente.
“Mag-attempt sana siya ng personal necessity niya 'yun na ang nangyari, aksidente na... Loaded ang iyahang baril. Sa glock man gud quick response so wala siyang safety. Ang safety niya is nasa trigger. Pag loaded siya kapag babagsak siya, puputok yung glock,” paliwanag ni Ocampo.
Kaagad namang nasaklolohan ng mga kasamahan ang biktima at isinugod sa ospital.
Ayon sa ulat, stable na ang kaniyang kalagayan.
Dahil sa nangyari, nagpaalala si Ocampo na maging responsable at maging maingat sa kanilang baril.
Kamakailan lang, isang pulis sa Bansalan, Davao del Sur ang nasawi nang pumutok ang kaniyang baril habang nililinis. -- FRJ, GMA Integrated News