Dismayado ang ilang turistang dumayo sa Binmaley beach sa Pangasinan para maligo ngayong panahon ng kapaskuhan dahil sa nagkulay putik na marumi ang dagat.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, nangamba ang ilang naliligo sa beach na baka may masamang epekto sa balat ang kakaibang kulay ng dagat.
"Nakikita namin na maitim na kaya nag-aalangan kami baka delikado. Baka siyempre magkasakit sa balat," ayon sa beachgoer na si June Hiteroza.
Inakala rin ng ibang naliligo na baka mayroong langis na tumagas sa lugar.
"Sabi ng mga tagarito ano raw ng isda. Kaya tiningnan ko kanina kala ko langis, hindi naman," saad naman ni Albert Damolog.
Itinanggi naman ng Binmaley Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at maging ng Philippine Coast Guard District North Western Luzon, na oil spill ang dahilan ng pagbabago ng kulay ng dagat.
Ayon sa Binmaley MRRMO, normal na raw sa baybayin ang nararanasan na kulay putik na dagat kapag malakas ang alon.
Pero wala naman daw dapat ipangamba ang mga maliligo sa beach, maging ang mga mangingisda.
"Kapag maalon, talagang lalabas 'yan kasi talagang seasonal na 'yan kapag malaki ang alon. Walang dapat ikabahala. Ang dapat [lang] ikabahala sabi ng mga mangingisda ay kapag lumusong ka, mamamantsahan ka [sa kasuotan]," ayon kay Patrick Aranda, duty officer , Binamaley DRRMO.--FRJ, GMA Integrated News