Pinayuhan ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel "Babes" Romualdez ang mga Pinoy na ilegal na nananatili sa Amerika na huwag nang hintayin na ma-deport matapos manalo sa katatapos na halalan doon si President-elect Donald Trump.

Sa online forum na isinagawa ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), ipinaalala ni Romualdez na nanalo si Trump, "on the basis that he will deport all [illegal] immigrants in the United States."

Bagaman mas maliit lang umano ang bilang ng mga Pinoy na ilegal ang pananatili sa US na nasa 250,000-300,000 kumpara sa ibang bansa, sinabi ni Romualdez na dapat nang ayusin ng mga Pinoy na walang "any kind of [legal] status" ang kanilang dokumento o kusa na lang bumalik sa Pilipinas.

"My advice to many of our fellowmen who actually are still here but cannot get any kind of status. My advice is for them not to wait to be deported," anang opisyal.

"Because I can see that the administration of President Trump is really going to be very strict with the immigration policy that he intends to put in place because that is the promise he made to the American public," dagdag ni Romualdez.

Ayon sa opisyal, 99% ang posibilidad na hindi na papayagang makabalik ng US ang mga ipinapa-deport.

"You can never come back to the United States. At least, if you leave, there is always the opportunity or a chance that you’ll be able to file," paliwanag niya.

Ayon kay Romualdez, maaaring makipag-ugnayan sa attaché mula sa Department of Migrant Workers at Philippine Embassy sa Washington ang Pinoy na ilegal na nasa US.

Gayunman, "payo" lang umano ang tanging maibibigay ng mga ahensiya sa kanila.

"If they have a potential roadblock to be able to stay in the United States legally, then we tell them to get the right  person to help you– a lawyer or whoever it is– and start the process. But if there is none, it’s clear that there's only one way so that you will have a chance to be able to apply legally but do not allow yourselves to be deported," payo ni Romualdez.

Sinabi rin ni Romualdez na hindi na makapagtatago sa mga awtoridad ang mga ilegal na Pinoy na nananatili sa US dahil na rin sa mas madaling palitan ng impormasyon ng mga ahensiya ngayon.

Sa kaniyang victory speech, binigyan-diin ni Trump na isasara niya ang borders ng US at magpapatupad ng mas mahigpit na batas laban sa mga illegal alien.

“We gonna have to seal up those borders, we are gonna have to let people come into our country. We want people to come back in, but they have to come in legally… We are gonna start by putting America first,” ayon kay Trump.

Batay sa datos na nakalap ng GMA Integrated News Research, mayroong 4,640,313 Pinoy ang nasa US hanggang nitong 2023, base sa tala ng US Census Bureau.

Nakasaad naman sa datos ng US Department of Homeland Security na pang-lima ang mga Pinoy sa mga dayuhan na may pinakamalaking bilang ng "unauthorized" immigrant population sa US na nasa 350,000 noong 2022. — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News