Nalaglag sa bitag at naaresto ang isang lalaki na wanted sa multiple counts ng child abuse matapos siyang bumiyahe mula probinsiya at lumuwas pa-Maynila para makipag-meet-up sa kaniyang ka-LDR (long distance relationship) na isa palang undercover police woman.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang video footage nang magkita sa Ninoy Aquino International Airport ang suspek at pulis na nagpanggap na girlfriend niya online.
May kasama pang kasabwat ang pulis na isa ring babaeng pulis na nagbi-video at kunwaring nag-chi-cheer sa pagkikita ng dalawa sa wakas.
"Ayan, magkasama na sila. Finally, long distance no more," madidinig sa video.
Pero pagdating sa parking lot, doon na naglabasan ang iba pang lalaking pulis at inaresto ang suspek.
“Nakipag-relasyon yung ating operatiba dito sa suspek, hanggang sa nagkasundo sila na luluwas ito sa Maynila,” sabi ni Police Major Raul Salle, hepe ng East Police District special operation unit.
Nagtago umano at nagpalipat-lipat ng probinsiya ang suspek tulad ng Cotabato at General Santos City.
Ayon sa pulisya, pinaghahanap ang suspek dahil sa kasong child abuse na ang biktima ay 12-anyos na kapatid ng dati niyang kinakasama.
“Nauuna laging umuwi itong lalaki, doon nangyayari ang pang-omolestiya dito sa 12-year-old na kapatid ng kaniyang ka-live in,” ayon kay Salle.
Nakapagsumbong lang umano ang biktima sa ginawa sa kaniya ng suspek nang mapansin ng isa nilang kaanak ang pagbabago nito sa kilos.
Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag-- FRJ, GMA Integrated News