Marami ang nahabag sa kalagayan noon ng limang-taong-gulang na si JL, na mula sa Zamboanga, dahil sa kaniyang kapayatan at napakalaking tiyan na halos pumutok na. Matapos na maitampok ang kaniyang istorya sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," dumagsa ang tulong sa bata at naoperahan.
Sa ika-20 taong anibersasyon ng "KMJS," binalikan ng programa ang ilan sa mga hindi nito malilimutang kuwento. Kabilang dito ang nangyari kay JL na nalagay sa peligro ang buhay dahil sa paglobo ng kaniyang tiyan dulot ng Hirschsprung's Disease.
Kahabag-habag ang kalagayan noon ni JL na halos hindi na makagalaw dahil sa kaniyang kondisyon ng paglobo ng tiyan. Pirma lang siyang nakadapa habang nakapatong sa unan sa loob sa kanilang bahay. Nagkakasya na lang siya sa pagtanaw sa ibang bata na naglalaro sa labas.
Pinupokpok din ng kaniyang mga magulang na sina Lynie at James ang malaki niyang tiyan para maibsan ang sakit ng kaniyang nararamdaman.
Ang Hirschsprung's Disease ay kondisyon na hindi niya nailalabas ang kaniyang dumi at nagkakaroon ng hangin sa tiyan na dahilan ng paglobo nito. Lumalala ang kaniyang kalagayan at umabot pa sa kritikal na kondisyon.
Matapos maitampok sa "KMJS" ang kaniyang kuwento, dumagsa ang tulong sa pamilya at naoperahan si JL.
Siyam na buwan matapos nito, binalikan ng KMJS team si JL, at makikita na ang pagbigat ng kaniyang timbang at masigla na rin na nakapaglalaro.
Labis ang kasiyahan ng mga magulang ni JL sa pagbuti ng kalagayan ng kanilang anak matapos ang unang operasyon, pero may iba pang operasyon na kailangan niyang pagdaanan.
“Kahit saan na siya magpunta," ani Lynie. "Nakakagala na po siya."
Ayon kay Lynie, sinabihan sila noon ng duktor nang dalhin si JL sa operating room na 50-50 chance na makaligtas ang kaniyang anak.
Dalawang oras na tumagal ang operasyon at matagumpay na nailigtas ng mga duktor ang buhay ni JL.
“Milagro talaga,” ani Lynie.
Nagpasalamat si Lynie sa KMJS na naitampok ang kalagayan JL, na naging daan upang makatanggap sila ng tulong sa iba't ibang tao na kanila ring labis na ipinagpapasalamat.
“Masaya kami kasi na-feature kami sa KMJS. Marami pong tumulong sa amin kahit hindi po namin sila kilala,” ayon sa ginang.
Dalawang operasyon ang kailangan pang pagdaanan ni JL upang tuluyang magamot ang kaniyang Hirschsprung's Disease.
Sa kabila nito, maaari nang bumalik sa pag-aaral si JL sa susunod na pasukan.
Bukod sa operasyon at mga gamot, nagamit din ng pamilya ni JL ang mga natanggap na donasyon para maipaayos ang kanilang bahay, at makagsimula ng negosyon na babuyan at maliit na tindahan.--FRJ, GMA Integrated News