Magpupulong ang Philippine consuls sa United States upang maghanap ng paraan kung papaano matutulungan ang libu-libong Pinoy na ilegal ang pananatili sa Amerika sa harap ng pagkapanalo ni President-elect Donald Trump, na may matinding kampanya laban sa mga illegal immigrant.

Nitong Lunes, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, na magsasagawa ng planning session sa Disyembre ang mga consul mula sa Guam, Chicago, Honolulu, Houston, Los Angeles, New York, at San Francisco.

Gagawin ang planning session sa embahada ng Pilipinas sa Washington D.C. para pag-usapan kung papaano matutulungan ang mga illegal Filipino immigrants sa US na maaaring mapa-deport sa ilalim ng papasok na administrasyon ni Trump.

“Siyempre kukuha rin kami ng direksyon mula sa aming home office at saka sa Department of Migrant Workers, saka sa Malacañang, kung paano natin matutulungan sila, kung anong puwedeng gawin ng embahada natin,” sabi ni Romualdez sa panayam ng Super Radyo dzBB.

Una rito, pinayuhan ni Romualdez ang mga Pinoy sa Amerika na walang "any kind of status" na boluntaryo na lang umuwi sa Pilipinas, o asikasuhan na ang mga dokumento na kailangan para maging legal ang pananatili nila sa US.

Sinabi ni Romualdez na hindi na dapat hintayin ng mga Pinoy na ilegal ang pananatili sa US na i-deport sila dahil malaki ang tiyansa na hindi sila makababalik sa naturang bansa.

Ayon kay Romualdez, dahil na rin sa pangako ni Trump na ipapa-deport niya ang mga illegal alien kapag siya ang nanalo, maraming Pinoy sa US na hindi legal ang pananatili roon ang labis na nag-aalala.

Batay sa datos na nakalap ng GMA Integrated News Research, mayroong 4,640,313 na Pilipino ang nasa Amerika hanggang noong nakaraang taon, base sa tala ng US Census Bureau.

Nakasaad naman mula sa datos ng US Department of Homeland Security, na ang mga Pilipino ang ikalimang pinakamalaking bilang ng mga hindi awtorisadong imigrante sa US na may 350,000 noong 2022. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News