Makalipas ang mahigit dalawang taon, arestado ang 26-anyos na lalaking nakapatay ng isang tambay sa kanilang bahay noong April 2022.

Halos walang suot ang akusadong kinilala na si alyas Balat nang arestuhin siya sa mismong bahay niya sa Bacoor, Cavite.

Matapos pagbihisin, agad siyang dinala ng pulisya sa kulungan.

Si Balat ang akusado sa pagpatay sa isang lalaking tumatambay noon sa bahay nila sa Tondo, Maynila.

“‘Yung biktima dito ay pinalo niya ng tubo at naging dahilan ng kaniyang pagkasawi. At doon, pagkatapos niya magawa ‘yung krimen, siya ay nagtago,” ani PMaj. Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District (MPD).

Sa CCTV ng Barangay 232 sa Tondo, kitang may isa pang lalaki na kasama si Balat sa pananakit sa biktima.

Pero ayon sa pulisya, isang tao lang ang nakasuhan ng murder base sa arrest order galing sa korte.

“Doon sa nakita natin na video, dalawa sila roon pero hindi natin alam kung bakit isa lang ang may warrant of arrest…Ang nakita lang natin sa warrant of arrest —isa lang ‘yung meron ditong kaso,” sabi ni PMaj. Ines.

Giit naman ni Balat na isang Criminology graduate, siya lang ang nasa likod ng krimen at self defense daw ang ginawa niya.

Pinapaalis niya raw noon sa bahay nila ang biktima na aniya’y sangkot sa ilegal na droga.

“Hindi po ako lang ‘yun. Parang nagalit po sila kasi pinapaalis. May binunot siya na patalim that time. So siguro na-provoke tayo, hindi naman natin gusto,” ani Balat.

“Self defense naman ‘yung nangyari. Kumbaga hindi lang talaga natin gusto ‘yung kinalabasan dahil nga natuluyan ‘yung tao.”

Humingi rin ng tawad si Balat sa pamilya ng biktima dahil sa mapait na kinahinatnan ng nagawa niya.

Non-bailable ang kasong murder na kinahaharap ni Balat na kasalukuyang nakapiit sa custodial facilty ng MPD. — BAP, GMA Integrated News