Isang truck ang nawalan ng kontrol at nagdulot ng karambola ng 12 sasakyan sa Carlos P. Garcia Highway sa Ma-a, Davao City. Isa sa mga rider na sangkot sa insidente ang nasawi.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat ni Bea Pinlac sa "Unang Balita" nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na inararo ng truck ang anim na sasakyan at limang motorsiklo.
Dinala sa ospital ang iba pang sugatan matapos ang insidente.
Hindi nagbigay ng pahayag ang driver ng truck, na hawak na ng pulisya at posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury at damage to property.
Mabigat na trapiko naman ang idinulot ng karambola ng mga sasakyan sa naturang highway. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News