Nasawi ang isang mag-live in partner at kanilang anak na babae na nakamotorsiklo matapos silang mabundol at makaladkad ng nag-overtake na pickup sa San Dionisio, Iloilo.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente sa Barangay Canas.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na patungo sa bayan ng Carles ang mga biktima para bumisita sa isang lamay.

Ngunit makaraan ang ilang saglit, nag-overtake sa kanila ang kasunod na pickup at nabangga nito ang kanilang motorsiklo.

Nakaladkad ng pickup sa layong 100 metro ang mga biktima, na mga wala umanong suot na helmet.

Dead on the spot ang mag-live in partner, samantalang dead on arrival ang anak nilang babae.

Iniwan ng driver ang kaniyang pickup sa bayan ng Batad at bumalik sa San Dionisio upang sumuko sa mga awtoridad.

Isinalaysay ng driver na hindi niya napansin ang sinusundang motorsiklo dahil madilim ang lugar.

Posibleng maharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide at reckless imprudence resulting in physical injury.

Napahagulgol na lamang ang isa pang anak na babae matapos makitang wala nang buhay ang kaniyang ina, ang live-in partner nito at nakababata niyang kapatid sa isang ospital. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News