Inilahad ni Ogie Alcasid ang kaniyang pag-apruba sa engagement ng anak na si Leila Alcasid at Filipino musician na si Mito Fabia, na mas kilala bilang si Curtismith.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, tinanong ni Tito Boy si Ogie tungkol sa pagdating ng araw na ihatid na niya ang anak na si Leila sa altar.

"Iniisip ko pa lang ngayon umiiyak na ako eh," saad ng aktor at singer-songwriter.

Inihayag ni Ogie ang paghanga niya para kay Mito.

"Ang tingin ko kasi sa panganay ko, kahit 27 na po siya, ang tingin ko pa rin sa kaniya is a little girl. But I would be so proud, he (Mito) is a very nice man," sabi niya.

Dagdag ni Ogie, bukas ang pakikipagkomunikasyon nila ni Mito.

"We did not start off with her on the right foot, but we understand each other. We communicate well, saludo ako sa kaniya, sa pag-aalaga niya sa anak ko," sabi niya.

Inamin ni Ogie sa "Fast Talk with Boy Abunda" rin noong Mayo na nagkaroon siya ng tampo kay Leila nang magdesisyon itong makipag-live in kay Mito.

Plano sana ni Ogie na makabawi kay Leila at mas maging close pa rito.

“Oo naman, nagtampo ako. Kasi itong buong panahon na naghintay ako, kasi hindi naman natin maipagkakaila na hindi siya lumaki sa akin. So noong time na biglang nag-isip siya na tumira na rito sa Pilipinas, sabi ko ‘Ito ‘yung pagkakataon magiging close kami, magiging magkasama kami.’  Hanggang sa panahon na mag-aasawa na siya. ‘Yun nga lang, meron pala silang ibang plano,” anang singer-songwriter.

Nagkausap na sina Ogie at Leila tungkol dito, at sinabing nirerespeto niya ang desisyon ng anak.

Na-engaged sina Leila at Mito nitong Setyembre sa Calaca, Batangas.

Sa comment section, inihayag ni Ogie ang kasiyahan para sa dalawa.

“Love you, congratulations,” saad ng OPM icon at TV host. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News