Ilang makamandag na ahas ang nahuli sa isang magandang bahay sa San Antonio, Nueva Ecija na nasa ibang bansa ang may-ari.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing dalawang palapag ang bahay na nakatayo malapit sa bukid.
Humingi umano ng tulong sa snake hunter na si Rex Mallari ang caretaker ng bahay para mahuli ang mga cobra.
Sa isang lumang piano, dalawang cobra na higit limang talampakan ang haba ang nakita ni Rex.
May isa pang cobra na nahuli sa sala.
"Nung nakita naman yung mga pinagbalatan, sinerch [search] namin yung area. Nakita namin sa bodega, sa sirang piano, doon sila namagi," ayon kay Rex.
Posible umanong nanggaling sa bukid ang mga cobra na nakuha sa bahay.
Ibinigay naman nina Rex sa mga awtoridad ang nakuha nilang mga cobra.
Paalala naman ng forest ranger ng PENRO, Nueva Ecija, dapat makipag-ugnayan sa kinauukulan kapag may ipahuhuling cobra dahil lubhang mapanganib ang naturang mga ahas dahil sa makamandag ang mga ito.-- FRJ, GMA Integrated News