Patay ang isang lalaking 20-taong-gulang nang mahulog siya sa hinukay na balon na 220-talampakan ang lalim sa Samal Island.
Sa ulat ni Jaycel Villacorte sa GMA Super Radyo Davao nitong Lunes, sinabing nakaligtas ang 16-anyos na kasama ng biktima.
Nangyari ang insidente noong Sabado sa ginagawang balon na nasa isang pribadong lote sa Barangay Cogon, Babak District, Samal Island.
Ayon kay Police Major Leo Alce, hepe ng Babak Police Sub-station sa Island Garden City of Samal, nangyari ang trahediya nang bumigay ang hakdan na nakalagay sa malaki at malalim na hukay.
Nahulog ang nasawing biktima, at mapalad na nakakapit ang menor de edad.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung para saan talaga ang ginagawang hukay, at kung mayroon ba ito na kaukulang permit.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, sinabi ni Igacos Mayor Al David Uy, na aalamin din sa isasagawang imbestigasyon kung ginagamit o gagamitin ang hukay sa treasure hunting operation na wala rin umanong permit. --FRJ, GMA Integrated News