Nasawi ang tatlong magkakapatid na babaeng menor de edad matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Sta. Mesa, Manila nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa DZBB Super Radyo, sinabing edad pito, siyam at 16 ang mga biktima na residente sa Barangay 597.
Batay sa kuwento ng kaanak ng mga biktima, nagpapahinga ang magkakapatid sa ikalawang palapag ng bahay nang mangyari ang sunog na nagsimula sa ibaba.
Nasa labas umano ng bahay at nagtitinda ang ina ng magkakapatid at wala na siyang nagawa nang makitang malaki na ang apoy.
Tumagal ng isang oras ang sunog na umabot lang sa unang alarma dahil kaagad ding naapula ng mga rumespondeng bumbero.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.
Isang sunog din ang tumupok sa ilang bahay sa likod ng isang bus termianal sa Barangay Pinyahan sa Quezon City.
Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa naturang sunog, na inaalam pa pinagmulan ng apoy. --FRJ, GMA Integrated News