Nahuli-cam ang isang lalaki na tila hindi na natiis ang tawag ng kalikasan at dumumi sa likod ng isang pampasaherong bus, kaya umalingasaw ang loob ng sasakyan sa Shanghai, China.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang CCTV ng bus na ilang saglit umupo sa likod ang lalaki bago patay-malisyang lumipat ng ibang upuan.

Lumingon pa ang lalaki sa pinagmulan niyang upuan.

Ilang sandali lang, umalingasaw na ang iniwan niyang “sikreto” sa likod ng bus. Naging hudyat na rin ito sa lalaki para pumara at bumaba ng bus.

Kalaunan, hindi na kinaya ng babaeng pasahero ang amoy kaya bumaba na rin siya ng bus.

Sinabi ng public transport firm na Yanggao na “sinagot” pala ng lalaki sa video ang tawag ng kalikasan.

Ayon sa driver, nanatili ng isang oras sa loob ng bus ang lalaki.

May siyam na bus stops din silang nadaanan ngunit hindi bumaba ang lalaki para pawiin sana ang kaniyang nararamdaman.

Natuklasan na lamang ng driver ang iniwang dumi ng lalaki pagkagarahe ng bus.

Agad namang nilinis ng kanilang staff ang duming iniwan ng pasahero.

Hindi na magsasampa ng reklamo ang Yanggao laban sa lalaking pasahero.

Gayunman, inilabas nila ang CCTV para magpaalala sa lahat ng mga pasahero na kung sakaling magkaroon ng mga emergency, ipaalam ito sa driver kaysa mag-iwan ng hindi kaaya-ayang “remembrance” sa pampublikong transportasyon. —VBL, GMA Integrated News