Itinuturing ng isang pamilya na malaking biyaya ang pagmulat ng mga mata ng kanilang 78-anyos na lola mula sa pagka-comatose matapos nila itong kausapin, ipagdasal at kantahan sa Bulacan.

Sa ulat ng Saksi, mapapanood ang video mula sa Jez Vlogs PH ng pagiging emosyonal ng 78-anyos na si Tatay Feling matapos imulat ng kaniyang asawang si Nanay Nory ang mga mata nito.

Ayon sa pamilya, isang araw na noong comatose si Nanay Nory, na halos dalawang dekada nang nakikipaglaban sa diabetes at iba pang komplikasyon.

Naghanda na noon ang pamilya na tanggapin ang posibilidad na mamaalam na si Nanay Nory.

Pinanghahawakan ang kanilang pananampalataya, kinausap, ipinagdasal at kinantahan ng pamilya si Nanay Nory bilang pagpapakita na rin ng kanilang pagmamahal sa kaniya sa huling pagkakataon.

Ngunit ikinagulat nila nang igalaw ni Nanay Nory ang kaniyang mg kamay. Kalaunan, dumilat at nagsalita rin ang lola.

Kaya naman malaking biyaya sa pamilya ang pangalawang pagkakataon na makapiling pa nila si Nanay Nory.

“Super surreal ng nangyari, very possible siya na nagre-ready na po kaming lahat for nanay na talagang for the Lord na siya. Pero ibinigay pa rin po siya sa amin,” sabi ni Jezreel, apo nina Tatay Feling.

“Sana po humaba pang muli ang buhay niya para makapiling ko ulit,” sabi ni Tatay Feling. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News