Literal na naging mainit ang balitaktakan ng mga mambabatas sa Kongreso ng Albania nang magpa-apoy at magpausok ang miyembro ng oposisyon sa loob mismo ng kanilang plenaryo.
Sa ulat ng Reuters, sinabing tinatalakay ng mga mambabatas ang kanilang 2024 budget nang magprotesta ang hanay ng oposisyon na kasapi ng Democratic Party.
Nagbukas sila ng smoke bombs at nagsindi ng maliit na apoy sa lamesa na pinatay naman kinalunan para maiwasan ang sunog.
Pinagpatong-patong din nila ang mga upuan sa gitna ng plenaryo habang nababalot ng usok ang tanggapan.
Inaakusahan ng oposisyon sa pamumuno ni Sali Berisha, na dating prime minister, na nais silang patahimikn ng administrasyon sa Kongreso, na kontrolado ng mayoryang Socialist Party.
"The battle has no way back," sabi ni Berisha matapos na makapasa ang budget sa botohan. "Our goal is to bring pluralism to parliament."— Reuters/FRJ, GMA Integrated News