Hinangaan ng netizen ang isang guro sa Northern Samar nang may mag-post ng mga larawan niya sa loob ng klase habang buhat ang natutulog na baby ng kaniyang estudyante.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing dinala ng 19-anyos na estudyante sa Allen National High School ang kaniyang isang-taong-gulang na anak dahil walang mag-aalaga sa bata.
Pumayag naman ang kaniyang guro na si Rosalyn Doma na manatili sa klase ang baby.
“Before mag-end ang aming klase, may activity akong pinagawa sa kanila. By that time naman, nakatulog na pala 'yung baby. Kalong-kalong ng nanay,” ayon kay Rosalyn.
Ayon sa guro, napansin niya na nahihirapan ang kaniyang estudyante sa kanilang gawain sa klase kaya inalok niya ang ina na siya na muna ang hahawak sa sanggol.
“Nakikita kasi si ma’am na nahihirapan ako gumawa ng activity,” sabi ng mag-aaral.
“Nararamdaman ko po 'yung malasakit ni Ma’am Rosalyn sa anak ko at sa akin,” dagdag niya.
Maging ang ibang estudyante ni titser Rosalyn, nagpahayag din ng kasiyahan sa ginawang pagtulong ng kanilang guro sa kanilang kaklase.
“Marami talagang na-proud at na-touch sa ‘min sa classroom dahil po sa ginawa ni ma’am,” sabi ng isang mag-aaral.
Isa ring ina si Rosalyn at nauunawaan daw niya ang hirap ng pinagdadaanan ng kaniyang estudyante. Natutuwa siya na ipinagpapatuloy nito ang kaniyang pag-aaral.
“Sana bigyan nila ng halaga ang pagpupursigi na makapag-aral, makapagtapos ng pag-aaral, sapagkat ito ang magiging pundasyon nila para sa kanilang magandang kinabukasan,” bilin ng guro. —FRJ, GMA Integrated News