Parang tutule na naalis ng duktor sa loob ng tenga ng isang babae sa Shaanxi Province sa China ang isang maliit na diyamante. Alamin kung papaano napunta sa loob ng tenga ang diyamante.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing napansin ng babae na may “irregularity” o problema sa kaniyang pandinig na umabot na sa halos isang buwan.
Inakala niya noong una na ang sakit na nararamdaman niya ay bunga ng minor swelling o bahagyang pamamaga ng kaniyang eardrum.
Sa routine cleaning or regular na pagpapalinis ng kaniyang tenga, doon na natuklasan ng doktor ang sanhi ng problema--ang maliit na diyamante sa loob.
Matapos makuha ang diyamante, napagtanto ng babae na may nawalang diyamante sa kaniyang hikaw bago siya nakaramdam ng kakaiba sa kaniyang tenga.
Hindi inakala ng pasyente na mapupunta sa loob ng kaniyang tenga ang diyamante at didikit malapit sa kaniyang ear drum.
Masuwerte naman ang pasyente dahil hindi nagdulot ng impeksiyon o anumang pinsala sa kaniyang tenga ang mamahaling bato.
Inirekomenda ng mga doktor ang routine professional ear cleaning para sa mas ligtas na paglilinis ng tenga at agad magpa-check up kapag may kakaibang mararamdaman. --FRJ, GMA Integrated News