Inaresto na parang tao sa Mexico ang pamosong evil doll na si "Chucky." Ang manika, pinosasan, isinailalim sa booking process, at kinunan din ng mugshot sa police station.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing inaresto si Chucky sa Northern Mexico, kasama ang may-ari ng manika na si Carlos N.

Inaresto sila sa kasong pananakot para makakuha ng pera sa kanilang biktima.

Nang dakpin ang mag-amo, may nakuha pang patalim na nakasiksik kay Chucky.

Sinampahan sila ng kasong disturbing the peace at putting others' integrity at risk.

Sa kabila nito, napagsabihan ang pulis na umaresto kay Chucky dahil tila ginawa nitong katatawanan ang nangyari.

Nakita rin sa video na pinagkatuwaan ng mga pulis ang patalim na nakuha mula kay Chucky.

Ayon sa mga awtoridad, kinalaunan ay nakalaya rin si Carlos, pero bigla naman daw nawala ang manikang si Chucky.-- FRJ, GMA Integrated News