Sa halip na sa mga damo o taniman, sa kawali na may mantika makikita ang mga tipaklong o "apan" na piniprito para ibenta sa Polomolok, South Cotabato.
Sa ulat ni Abby Caballero sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing ang pagtitinda ng pritong tipaklong ay naging hanapbuhay na ng ilang residente sa lugar.
Gaya ni Elena Cimalaga na 26 taon nang nagbebenta ng malutong na tipaklong na nakatulong sa kaniya para maipaayos ang kaniyang bahay.
Mayroon umano siyang supplier ng mga tipaklong. At bago ilagay sa mainit na mantika, mina-marinate muna daw nila ang insekto.
At pagkatapos na ilagay sa mainit na mantika sa loob ng 30 minuto, puwede na itong papakin o kainin.
Ang ibang suki ni Elena, sinabing binabalik-balikan talaga nila ang malinamnam na tipaklong.
Paalala naman ng eksperto, bagaman puwedeng kainin ang piniritong tipaklong na mapagkukunan ng protina, hinay-hinay lang sa pagpapak lalo na ang mga may allergy. -- FRJ, GMA Integrated News