Lumabas sa mga pag-aaral na tunay ang mga buto sa mga labi ng umano’y mga alien o extraterrestrial beings na ipinakita kamakailan sa Kongreso sa Mexico.
At ang kanilang DNA, hindi rin nag-match sa mahigit isang milyong registered species sa Earth.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing isinagawa ng Health Sciences Research Institute of the Secretary of the Navy ang pagsusuri sa mga labi.
Isinailalim ang mga mummified na labi sa CT scan, simpleng X-ray at sa fluoroscopy study, na isa pang klase ng scan.
Binusisi ng mga doktor ang bawat parte ng katawan ng mga nilalang umano na nagmula sa labas ng Earth.
“We are able to determine that it does indeed belong to a single skeleton that has not been joined to other pieces,” sabi ni Jose De Jesus Zalce Benitez ng Health Sciences Institute of the Secretary of the Navy.
Lumabas sa pag-aaral na tunay umano ang mga buto sa mga labi at walang nakitang indikasyon na pineke, minanipula o pinagtagpi tagpi lang ang mga ito para magmukhang isang buong katawan.
“The skull coincides in its union and structure of continuity with the neck. There is no evidence of any assembly or manipulation of the skull as claimed,” sabi pa ni Benitez.
Bukod dito, hindi rin umano tugma ang DNA ng mga labi sa mahigit isang milyong registered species sa Earth.
Iprinisinta noong Setyembre 15 ang mga sinasabing “non-human” remains sa harap ng mga mambabatas sa Mexico.
Naging kontrobersyal ang balita, dahil may mga nagsasabi na hindi naman katawan ng “aliens” ang mga labi kundi mga pre-Hispanic objects o sinaunang artifacts.
Gayunman, nanindigan ang Mexican Journalist at UFO researcher na si Jaime Maussan,na siyang nagprisinta sa “non-human” remains sa kongreso, na authentic o tunay ang mga ito.
“I am not worried, I have done absolutely nothing illegal. They should start investigating,” sabi ni Maussan. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News