Ipinakita sa Kongreso ng Mexico ang umano'y mummyfied na bangkay ng mga extraterrestrial beings o aliens. Sinuri din umano ang DNA sample ng mga ito at lumitaw na hindi raw match sa human being.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na maliliit lang ang mga bangkay at hindi mukhang tao.
Sinabi ni Jaime Maussan, isang journalist at UFO researcher, na totoong katawan ng mga extraterrestrial ang mga bangkay, o mga nilalang na hindi nakatira sa Earth.
Tatlo lang ang daliri sa bawat kamay ng mga bangkay, at patulis ang hugis ng kanilang mga ulo.
Mummified na ang mga bangkay nang matagpuan umano sa Cusco, Peru.
Under oath o sumumpa si Maussan nang kaniya itong ipresenta sa mga mambabatas. Itinuturing krimen ang pagsisinungaling sa Kongreso.
Dumalo rin sa presentasyon ang ilang siyentipiko para patunayang tunay na bangkay at hindi mga estatwa.
Pinag-aralan umano sa Autonomous National University of Mexico ang DNA samples na nakuha sa mga bangkay. Lumabas sa kanilang pagsusuri na hindi match sa tao ang DNA samples ng mga bangkay.
“This is the first time [extraterrestrial life] is presented in such a form and I think there is a clear demonstration that we are dealing with non-human specimens that are not related to any other species in our world and that aby scientific institution can investigate it,” sabi ni Maussan.
Sinabi naman ni Ryan Graves, isang dating U.S. Navy pilot, na nagkaroon siya ng UFO sightings sa kaniyang flights.
Sunod nito, nanawagan si Harvard Prof. Abraham Avi Loeb na suportahan ang pag-aaral ng national scientists kung nag-e-exist nga ang extraterrestrial beings. -- FRJ, GMA Integrated News