Isiniwalat ng Bureau of Investigation (NBI) sa pagdinig ng Senado na nakalusot ang pagpaparehistro ng SIM card sa mga telecom company kahit mukha ng hayop gaya ng nakangiting unggoy ang nakalagay sa identification card ng kunwaring nagpaparehistro.
Sa pagdinig nitong Martes ng Senate Committee on Public Services kaugnay sa implementasyon ng SIM card registration law, sinabi ni National Bureau of Investigation - Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc na bumili ang kaniyang grupo ng mga SIM card sa iba't ibang telco at sinubukan nila itong irehistro gamit ang ID na may mga mukha ng hayop at iba't iba ang pangalan.
"Pumasok pa rin, actually," ayon kay Lotoc, na nagpakita ng ID na may mukha ng nakangiting unggoy.
Sinabi ng opisyal na nahihirapan ang mga awtoridad na hanapin ang mga suspek na gumagamit ng SIM card sa iregularidad dahil sa hindi maaasahang impormasyon na nakalagay tungkol sa taong nakarehistro na may-ari ng SIM.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GTV News "State of the Nation" sinabi ng mga kinatawan ng telco na maraming iniwasan ang implementing rules and regulation sa SIM Regulation Act kagaya ng Data Privacy Law.
Dahil dito, konting detalye lang umano ng aplikante ang kanilang hinihingi.
Bukod dito, mababa rin umano ang parusa sa lalabag.
Ayon sa National Telecommunication Commission, sa kabila ng SIM Registration Act ay nakatanggap pa rin sila ng 45,000 na reklamo sa text scam.
Sa pagdinig ng Senado, iminungkahi ni Sen. Grace Poe, chairperson ng komite, na amyendahan ang IRR ng batas para maisama ang facial recognition.
“It's actually looking like what we have now is not really sufficient so we will have to go back to the drawing board and probably with the cooperation of the NTC, maybe we can amend the IRR,” dagdag pa niya.
Nagsagawa ng pagdinig ang komite dahil sa patuloy na mga reklamo ng text scam sa kabila ng ipinatupad na batas na SIM registration.
"Gumawa tayo ng batas pero mukhang nagkukulang sa implementasyon," ayon sa senadora.—FRJ, GMA Integrated News