Naging makapigil-hininga ang military airborne exercise sa Alaska, USA nang bumulusok at nagpaikot-ikot sa ere ang isang sundalo nang hindi magbukas ang kaniyang parachute.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nagkabuhol-buhol ang parachute ng sundalo kaya siya nagpaikot-ikot sa ere habang bumabagsak, ayon sa kaniyang mga kasamahan.

Dahil dito, napasigaw ang mga nag-aalalang sundalo na nasa ibaba habang pinanonood ang nangyayari sa kanilang kasamahan.

Kabutihang palad, bago pa man tuluyang bumagsak ang sundalo, bumukas ang emergency parachute ilang talampakan mula sa kaniyang babagsakan kaya nakaligtas siya.

Napasigaw muli sa tuwa ang kaniyang mga kapuwa sundalo.

Hindi naglabas ng impormasyon ang Airborne Division sa Alaska tungkol sa pagkakakilanlan ng sundalo pero siniguro nilang nasa maayos siyang kalagayan.

Ganito rin ang nangyari sa isang sundalo na miyembro ng Indonesian Air Force Command Battalion 466 sa Indonesia.

Ngunit bumagsak siya sa isang residential area sa Sulawesi Province.

Agad naman siyang tinulungan ng mga rescue team sa lugar.

Nawalan ng malay nang bumagsak ang sundalo, at nagkabali din siya sa katawan.

Gayunman, stable na ang kaniyang kondisyon matapos manatili sa ospital.

“There was a problem with the parachute used by the soldier. The parachute did not deploy properly, and the wind conditions were relatively unstable. Thank God everything has been handled,” sabi ni Maj. Sendang Arum ng Indonesian Air Force. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News