Kahit bagong gawa pa lang ang bahay, mayroon na umanong kakaibang nilalang na nagpaparamdam sa ginang na si Maricel Gonzales pagsapit ng dilim. Pero ang hindi niya inasahan, ang tuluyang magpakita sa kaniya ang "anino." Ano nga ba ang pakay nito sa kaniya?
Sa programang “Dapat Alam Mo!,” inihayag ni Gonzales ang kaniyang pangamba sa sarili niyang tahanan dahil sa ginagawang panggagambala ng anino.
Ayon sa ginang, nagigising siya ng 2 o 3 a.m. at may naririnig siyang aso.
“‘Pag nagising ako, agad-agad tumitingin na ako sa pintuan. Minsan kapag nagwawalis ako, mga 8 p.m. to 9 p.m., nagdadaan siya sa gilid or sa harap na mabilis lang. Basta lang malakas ang pakiramdam ko na ‘pag lalapit na siya natatakot na ako,” sabi pa niya.
Ang anak na babae ni Gonzales, nakaranas na rin ng kababalaghan sa loob ng kanilang bahay.
Isang bata umano ang nakita ng kaniyang anak gayung wala naman daw silang ibang kasamang bata sa bahay.
Pero kung dati ay nagpaparamdam lang ang anino, sinabi ni Gonzales na nagpapakita na rito sa kaniya kinalaunan.
Sumisigaw daw si Gonzales para paalisin ang kakaibang nilalang.
Nang madinig siya ng kaniyang mister kung sino ang kaniyang kausap, sinabi raw ng ginang ang tungkol sa aninong nagpapakita sa kaniya.
"Ang ginawa ng asawa ko, kumuha siya ng asin na itataboy niya kung bad spirit man 'yon, and then kumuha rin siya ng kahoy para just in case kung tao yung nakita ko," kuwento ng ginang.
Ayon kay Gonzales, walang ibang tao na makakapasok sa kanilang bahay dahil naka-lock ang kanilang bakuran.
Para malaman kung sino o ano ang gumagambala sa bahay ng ginang, binisita ito ng paranormal researcher na si Ed Caluag.
Hindi pa man nakapapasok sa bahay, may nakita na agad si Ed sa bakuran na parang anino na mabilis na tumawid. Habang papalapit sa loob ng bahay, bumibigat umano ang pakiramdam ni Ed.
Sa isang kuwarto ng bahay, may nakita naman si Ed na isang patay na palaka sa sahig. Indikasyon daw iyon ng babala.
May nakita rin siyang ibang elementong na tila babae na nagpaparamdam sa bahay, na hindi umano taga-roon sa lugar kundi natangay lang ni Gonzales.
Nagsagawa si Ed ng ritwal para makita at makausap ni Gonzales ang misteryosong lalaki.
Ano nga kaya ang dahilan kung bakit nagpaparamdam ang anino kay Gonzales? At ano naman ang paliwanag ng isang psychiatrist tungkol sa nararanasan ng ginang? Alamin ang buong kuwento sa video ng "Dapat Alam Mo." --FRJ, GMA Integrated News