Isang babae na nakaburol matapos ideklara ng ospital na patay na ang biglang nabuhay habang nasa loob ng kaniyang ataul sa Quito, Ecuador.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing isang video ang ipinost sa Twitter na makikita ang babae na si Bella Montoya, 76-anyos, habang nakahiga sa ataul na nakabukas, tila hinahabol ang hininga, at inaalalayan ng dalawang lalaki.

Sinabi ng anak ng babae na si Gilbert Balberán na limang oras nang pinaglalamayan ang ina nang makarinig sila ng ingay mula sa ataul.

Nanghingi umano ng donasyon si Balberán para sa ataul nang ideklara ng Martin Icaza public hospital sa Babahoyo na pumanaw na ang kaniyang ina noong Biyernes.

"They even gave us a death certificate," saad ni Balberán sa video broadcast sa local media.

"My mom is on oxygen. Her heart is stable. The doctor pinched her hand and she reacted," sabi pa ni Balberán sa isang ulat ng El Universo newspaper.

"They tell me that this is good, because it means that she is reacting little by little," dagdag pa niya.

Dinala si Montoya sa nasabing ospital dahil sa hinalang na-stroke siya. Nang magka-cardiorespiratory arrest, hindi umano nag-respond sa resuscitation maneuvers ang ginang.

Kaya naman idineklara siya ng naka-duty na duktor na pumanaw na, ayon sa pahayag ng Health Ministry ng Ecuador nitong Linggo.

Bumuo na umano ng komite ang ministry para siyasatin ang nangyari kay Montoya, at pangasiwaan na rin ang pangangalaga sa kaniya.

"Little by little I am grasping what has happened. Now I only pray for my mother's health to improve. I want her alive and by my side," sabi ni Balberán nang bisitahin niya ang kaniyang ina na intensive care unit ng ospital nitong Linggo. — AFP/FRJ, GMA Integrated News