Timbog ang isang 19-anyos na lalaki sa Rodriguez, Rizal dahil sa panggagahasa umano sa 14-anyos niyang kapatid. Ang akusado, mariing itinanggi ang paratang.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing dinakip ang lalaki sa bisa ng warrant of arrest malapit sa kaniyang bahay.

Naganap ang panggagahasa umano sa kaniyang kapatid sa Taguig noong nakaraang taon.

Kasama rin sa inireklamo para sa krimen ang kanilang amain, na nauna nang dinakip, ayon sa pulisya.

“Paulit-ulit na hinalay itong biktima na 14 years old. Ang [sinampahan] ng kaso nito 'yung kaniyang stepfather na ang nagreklamo ay kapatid niya mismo. At hindi niya alam na kasama rin pala siya na kinasuhan so nagulat siya at meron siyang warrant,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, Chief ng Rodriguez, Rizal Police.

Sa tulong ng social media, natunton ng pulisya ang akusado isang araw lang matapos ilabas ang warrant of arrest para sa kaniya.

“Nag-search sila doon sa Facebook at nag-match 'yung address na nakalagay doon sa e-warrant natin. And then, noong tinignan nila, nag-positive 'yung address,” sabi ni Sabulao.

“Wala pong katotohanan 'yan ma'am kasi nasa trabaho po ako niyan eh. Diniin lang nila ako diyan, nasisi lang ako. Wala naman ako hinangad sa kanilang masama dahil kapatid ko sila. Hindi ako natatakot na harapin 'yung kaso kasi wala naman talaga eh,” sabi ng akusado.

Walang inirekomendang piyansa para sa kasong rape na kinahaharap ng akusado. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News