Arestado ang 24-anyos na babae sa ikinasang drug buy-bust operation ng Batasan Police Station sa Brgy. Holy Spirit Quezon City.
Nakuha sa kanya ang 900 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P6M.
Ang ibang droga ay nakasilid pa sa tea bags na may Chinese characters.
“Nakatanggap po tayo ng intelligence report regarding po sa malakihang bentahan ng illegal na droga somewhere in Brgy. Holy Spirit. So agad agad po tayo nagconduct ng information gathering at surveillance upang matumbok ang exact location ng suspek,” ani Police Lt. Col. Romil Avenido, ang station commander ng Batasan Police.
Ayon pa sa pulisya, malakihan kung magbagsak ng droga ang suspek na ang transaksyon ay pinapadaan online.
Kaya raw makaubos ng suspek ng isa hanggang dalawang kilo ng shabu sa loob ng isang linggo.
“Base sa mga nahuli rin natin itinuturo itong suspek na siyang distributor dito sa area ng Brgy. Holy Spirit, Brgy. Batasan, Brgy. Commonwealth at nearby barangays,” dagdag ni Lt. Col. Avenido.
Giit naman ng suspek: “sa abugado ko na lang po ako magpapaliwanag sa korte na lang po.”
Nakakulong na sa Batasan Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
--VAL, GMA Integrated News