Hindi uli natuloy ang nakatakdang arraignment ng aktres at social media personality na si Neri Naig para sa kasong syndicated estafa sa Pasay City Regional Trial Court nitong Huwebes, January 9.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras," sinabi ng abogado ni Neri na muling ipinagpaliban ang pagbasa ng sakdal sa kanilang kliyente dahil sa mga nakabinbing mosyon.

Kasama ni Neri na nagtungo sa korte ang kaniyang mister at singer na si Chito Miranda. Tumanggi na silang magbigay ng pahayag.

Unang itinakda ang pagbasa ng sakdal kay Neri noong December 3, 2024, pero iniurong matapos hintayin ng korte ang komento ng panig ng prosekusyon kaugnay sa motion to quash na inihain ng kampo ng aktres.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullion, na dinala sa Department of Justice ang kasong syndicate estafa laban kay Neri para muling masuri.

Noong nakaraang Nobyembre, inaresto si Neri sa bisa ng arrest warrant at ilang araw na naidetine dahil sa isinampang kaso ng mga naglagay ng puhunan sa skincare company na Dermacare.

Iginiit ng kampo ni Neri na endorser lang siya ng naturang produkto at hindi nangalap ng mga tao na mamuhunan sa naturang kompanya.

Matapos magsampa ng mosyon ang kampo ni Neri sa korte, iniutos ng hukom na palayain ang aktres dahil sa ilang depekto sa proseso ng paghawak sa kaso ng aktres.

Gayunman, hindi tuluyang ibinasura ng korte ang kaso laban sa aktres habang patuloy na nirerepaso ang reklamo laban sa kaniya.

Bukod kay Neri, kinasuhan din at inisyuhan ng arrest warrant ang aktres na si Rufa Mae Quinto sa Dermacare. Subalit hindi kasama sa mga reklamo laban kay Rufa ang kasong syndicated estafa.

Pag-uwi sa bansa nitong Miyerkules, sumuko si Rufa sa National Bureau of Investigation, at nakauwi na siya nitong Huwebes matapos maglagak ng piyansa na umabot sa mahigit P1 milyon.

Saad ni Robert Labe, legal counsel ng mga nagrereklamo, “They are availing the remedies, karapatan naman po nila 'yun. But still, the facts remain na may mga private complainants.” —FRJ, GMA Integrated News