Nasa 5,000 bakanteng trabaho ang iniaalok ng pamahalaan ng Taiwan para sa mga Pilipino, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Sa ipinadalang mensahe sa GMA News Online nitong Huwebes, sinabi ni MECO Chairperson and Resident Representative Cheloy Garafil, na umaasa siyang mapupunan ang naturang mga bakanteng trabaho sa isasagawang tatlong job fair dito sa Pilipinas.
Ang naturang mga job fair ay gagawin sa Quezon City, Cabanatuan City sa Nueva Ecija, at sa San Jose del Monte City sa Bulacan.
Nitong Miyerkules, nagsagawa ng job fair sa City Sports Complex sa San Jose del Monte ang MECO at Department of Migrant Workers (DMW), sa pakikipagtulungan ng mga lokal na opisyal.
Ayon sa lokal na pamahalaan, 1,500 job vacancies sa Taiwan ang inilaan sa kanilang mga residente.
Gaganapin naman sa Biyernes, Jan. 10, ang job fair sa Quezon City, batay sa Facebook post ng Quezon City Public Employment Service Office.
Magsisimula ang "One in Taiwan An Opportunity for New Employment" job fair sa ganap ng 9:00 am sa West Avenue, Brgy. Nayong Kanluran.
— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News