Kabilang ang ilang Pinoy at Filipino Americans sa mga naapektuhan ng malawak na wildfires sa Los Angeles, California, at humihingi sila ng tulong.

Kabilang sa kanila si "Mang Jhun," na nasunugan ng bahay at tumutuloy ngayon sa Pasadena Convention Center.

“Sa ngayon po wala po talaga kaming napakinabangan sa aming mga ari-arian. Sinabi lang ho sa akin kagabi na may naamoy siyang usok tapos ng nag-check ako sa labas nasusunog na yung likuran namin, which is the mountain pero hindi pa kami lumikas [sa sandaling iyon] kasi malayo pa sa amin," kuwento niya.

Pero naging mabilis umano ang mga pangyayari dahil na rin sa malakas na hangin.

"Palibhasa malakas ang hangin, kaya ang apoy biglang lumaki," patuloy niya.

Naging mahirap umano sa mga bumbero, at maging sa air support, ang paglaban sa apoy dahil sa matinding hangin.

"Marami po bumbero sa lugar pero hindi po sila makapagbomba ng tubig sa lakas ng hangin,” ani Mang Jhun.

Umaapela siya ngayon ng tulong, hindi lang para sa kaniyang pamilya kundi maging sa iba pang nabiktima ng wildfire.

“Kami po ay nangangailangan ng tulong para ho sa atin ding mga kababayan na nasalanta ng sunog dito sa Pasadena. Kahit ho mga kasuotan o kaya gamot, pagkain, at saka po matitirhan, 'yan pa ang kailangan na kailangan,” pahayag niya.

Kabilang sa mga tumutulong sa mga biktima ang JollyBox Global, isang non-profit Filipino organization.

Umaapela sila ng tulong gaya ng pagkain, tubig, damit, at affordable rooms for rent para sa mga biktima ng sunog..

Sa ngayon, nasa 16,000 hektarya ng lupain na ang nasunog at patuloy ang pagkalat ng apoy.

Tinatayang 1,000 bahay na ang nasunog, at nabiktima rin maging ang ilang celebrity sa Amerika.

Ayon sa Los Angeles County Fire Department Chief Anthony Marrone, lima na ang naiulat na nasawi.

Hindi pa batid ng Philippine Consulate sa Los Angeles kung ilan ang mga Pinoy ang naapektuhan ng wildfire.

Ayon sa Public Diplomacy & Information Section of the Philippine Consulate sa Los Angeles, wala pa silang natatanggap na request para sa tulong pero masusi nilang sinusubaybayan ang sitwasyon doon.

"At this time, the Consulate General has not received any request for assistance from any Filipino affected by the wildfires. The Consulate General continues to coordinate closely with local authorities and monitor the situation of Filipino nationals in affected areas,” saad ng Philippine Consulate sa Los Angeles sa GMA Integrated News. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News