Naglabas ng pahayag ang direktor na si Darryl Yap kaugnay ng 19 counts ng cyberlibel na inihain laban sa kaniya ng TV host-actor na si Vic Sotto, kaugnay ng teaser ng pelikula niya tungkol sa namayapang aktres na si Pepsi Paloma.

Sa naturang teaser, nabanggit ang pangalan ni Vic na inakusahang nanggahasa umano kay Pepsi, na sexy star noong dekada 80's, at kasama sa tinaguriang "Softdrinks Beauties."

Ayon sa direktor, handa nilang sagutin ng kaniyang kampo ang reklamong inihain ni Vic.

"Ang sa akin lamang, lahat po ng materyal na aking inilabas o ilalabas ay nakadokumento—hindi ko po gawa-gawa para makapanira," saad ni Yap sa pahayag.

"Wala pong personalan, naglalahad lamang po ako ng nangyari sa nakaraan na makikita sa mga nailathala noong 1980s. Naisapubliko naman po iyon," dagdag niya.

Ipinaliwanag din ng direktor na ang nabanggit sa kontrobersiyal na teaser ay bahagi umano ng mga impormasyon tungkol sa reklamong panghahalay na isinampa laban kay Vic, na kinalaunan ay iniurong ng aktres.

"Malaya naman po ang kahit na sino magsampa ng kaso—gaya po ng naisampang rape case noon ni Pepsi Paloma laban sa kaniya na siya pong natatanging laman ng teaser. Nasa caption din po ng post na inurong ang kaso," dagdag ni Yap.

"Hindi po tayo nagkulang. Mahalagang mapanood muna nila ang buong pelikula," patuloy ng direktor.

Nitong Huwebes, sinabi ni Vic sa isang panayam na walang sino man na bahagi ng naturang produksyon ng pelikula ang kumausap at nagkunsulta sa kaniya.

Bukod sa cyberliber case, pinagbigyan din ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ang writ of habeas data na inihain ng TV host-actor upang pansamantalang alisin ang teaser at iba pang materyal para sa promosyon ng pelikula.

Pinapaharap ng RTC si Yap para sa summary hearing ng petisyon sa writ of habeas data sa Enero 15.

Dating sexy actress si Pepsi, o Delia Smith sa tunay na buhay, na pumanaw noong 1985 sa edad na 18, tatlong taon matapos niyang sabihin sa korte na hindi totoo ang kaniyang alegasyon na ginahasa siya.— FRJ, GMA Integrated News