Binuweltahan ng isang lalaki ang taong nakaaway ng kaniyang bayaw sa inuman sa Tigbauan, Iloilo. Ang suspek, kumuha ng sumpak ang pinutukan ang biktima na hindi nakaligtas.

Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, makikita ang biktima na wala nang buhay habang nasa damuhan matapos siyang barilin ng suspek.

Ayon sa pulisya, bago maganap ang insidente ay nagkaroon ng komprontasyon matapos mag-inuman ang biktima at ang bayaw ng suspek.

“Umiinom sila roon sa tindahan, dumating itong ating biktima at bigla na lang nagkaroon ng komprontasyon sa kanila. Bigla na lang hinampas ng biktima ang bayaw ng suspek,” sabi ni Police Captain Alfred Mansoy, hepe ng Tigbauan MPS.

Nalaman naman ng suspek ang insidente kaya umawat siya sa gulo. Pero kinalaunan, umuwi ang suspek kumuha ng homemade shotgun na ginamit niya sa krimen.

Ayon sa nadakip na suspek, hinarang na siya sa daan ng biktima, na nagtangka pa umanong manaksak kaya niya ito nabaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ang biktima na ikinasawi nito.

Lumabas pa sa imbestigasyon na may dating alitan na ang biktima at ang bayaw ng suspek.

Inihahanda ng pulisya ang kasong isasampa sa suspek. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News