Isa ang patay at apat ang sugatan sa nahuli-cam na pananambang sa Cotabato City. Ang salarin, nakatakas sakay ng nag-aabang na motorsiklo.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao, makikita ang mga biktima na sakay ng isang pick-up truck sa bahagi ng intersection sa Barangay Rosary Heights 10 noong Miyerkules ng hapon.

Habang mabagal ang usad ng pickup truck dahil sa dami ng mga sasakyan, nahuli-cam ang isang lalaki na tumatakbo papunta sa mga biktima at saka nagpaputok ng baril.

Nahuli-cam din ang pagtakas ng salarin papunta sa nag-aabang na kasamahan na sakay ng motorsiklo.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima na si Ahmad Kanapia Utto, 25-anyos, na siyang nagmamaneho ng pickup truck. Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa katawan.

Sugatan din ang apat na sakay nito, kabilang ang dalawang brigade commanders ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).  Dinala sila sa ospital, kasama ang isang 61-anyos na biktima.

Personal na away ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo ng suspek.

“Sa inisyal na investigation ay believed to be personal grudge. Nagkakaroon pa ng malaliman na investigation tungkol po sa insidente,” sabi ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Spokesperson, Leiutenant Colonel Jopy Ventura.

Ayon sa pulisya, may nakapagturo na sa pagkakakilanlan ng 33-anyos na suspek, at hinahanap siya.

“Kung mayroon man pong nakasaksi sa nangyaring insidente, maaaring makipag-ugnayan sa ating Cotabato City Police Office or sa kahit ano pa mang law enforcement agencies natin,” panawagan ni Ventura. --FRJ, GMA Integrated News