Hindi napigilan ng tubong-Mindanao na si Sofronio Vasquez, ang kauna-unahang Pinoy at Asian na nanalo sa "The Voice USA," na maging emosyonal nang balikan niya ang panahon na nakikipagsapalaran siya sa pag-awit sa Maynila habang nakikipaglaban naman sa sakit sa kidney ang kaniyang ama.
Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, inalala ni Sofronio na madalas ipayo sa kaniya ng kaniyang ama, na pumanaw noong 2018, na "sing your heart out."
"Noong time na lumalaban ako sa competition sa Manila, nandoon na siya sa end part ng pakikipaglaban niya sa kidney failure. He just told me na whether... ah this is hard," sabi ni Sofronio, na sandaling tumigil sa pagsasalita at naging emosyonal.
"Kung wala na siya, 'Just know that I'll be there. Kahit saan.' And I felt that," pagpapatuloy ni Sofronio.
Matapos nito, madamdaming inawit ni Sofronio ang bahagi ng "Dance with My Father" ni Luther Vandross, na inialay niya sa kaniyang ina.
Mula sa Pilipinas, nag-migrate si Sofronio sa Amerika upang doon ipagpatuloy ang pag-abot niya sa kaniyang pangarap.
Pinasalamatan niya ang kaniyang ama na nagturo sa kaniya ng pagmamahal sa musika, at tinatawag pa niya itong kaniyang first singing coach.
Bagaman naging dentista na, bumalik sa pag-awit si Sofronio bilang tribute sa kaniyang ama matapos itong pumanaw.
Sa finals ng season 26 ng "The Voice USA," binihag ni Sofronio ang audience sa kaniyang rendition ng "Unstoppable" ni Sia at "A Million Dreams" mula sa "The Greatest Showman."
Bagaman si Michael Bublé ang kaniyang naging coach, inamin ni Sofronio na ibang coach ang unang pumasok sa isip niya. Alamin kung sino sa video na ito ng Fast Talk with Boy Abunda. -- FRJ, GMA Integrated News