Nagpasalamat si Sofronio Vasquez, ang kauna-unahang Pinoy at Asian na nanalo sa "The Voice USA," kaugnay sa mga akala ng iba na siyang Indonesian. Alamin kung bakit.

"Nagugulat nga po ako, kasi bigla akong naging Indonesian," sabi ni Sofronio sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.

"But I'm super blessed and grateful. Kumbaga whether I'm from Indonesia, it is a representation of being an Asian. Nilaban nila ako, they fought for what they really think sa kanila."

Sa naturang kompetisyon, nakatanggap din si Sofronio ng suporta mula sa Amerikano, bukod sa mga Pinoy.

"Gusto ko lang din i-take ang opportunity to thank my hometown sa Amerika which is Utica, upstate New York. Isa siguro sa naging reason kung bakit minahal ako ng mostly Americans because, mostly Americans po ang bumoto sa akin, pinakita ng upstate New York kung gaano sila ka-appreciative sa immigrants and refugees," sabi niya.

Ayon kay Sofronio, "melting pot" ng mga migrante ang lugar na kaniyang tinitirahan sa U.S.

"They really understand the value of dreams ng kapwa immigrant, kapwa refugee. I'm so blessed, nag-resonate lang 'yun lahat all over America," saad niya. "Grabe talaga, as in pagmamahal at suporta. Lumawak nang lumawak 'yung network ng invitation to vote."

Sa finals ng season 26 ng "The Voice USA," binihag ni Sofronio ang audience sa kaniyang rendition ng "Unstoppable" ni Sia at "A Million Dreams" mula sa "The Greatest Showman."

Si Michael Bublé ang kaniyang coach, na patuloy siyang tutulungan sa kaniyang career. -- FRJ, GMA Integrated News