Mukhang isang laruan lamang na gawa sa Lego sa unang tingin, ngunit nakabibilib ang isang makinang binuo ng mga siyentipiko sa Cardiff University na kayang gumawa ng tunay na balat ng tao para magamit sa iba’t ibang pag-aaral.
Sa ulat ng Next Now, sinabing binuo ito ng mga siyentipiko sa nasabing unibersidad para makatipid sa kanilang budget sa research. Umaabot daw kasi libo-libong dolyar ang halaga ng karaniwang bioprinters machine.
Pero ang Lego 3D printer na kanilang ginawang makina, nagkakahalaga lang ng $624 o halos P35,000.
Ang makina ay may nozzle na naglalabas ng tila gel substance na puno nang skin cells, na nakokontrol ang paggalaw sa pamamagitan ng computer.
Nakaprograma ang galaw nito para ma-replicate ang istruktura ng human tissue kada layer.
Precise at stable umano ang makina na gawa sa Lego, at maaari ding mapalitan ang nozzle nito para mag-print ng ibang uri ng cells.
Sa tulong ng Lego 3D printers, mas madali na ang pagbuo ng mga aparato kahit pa para sa mga batang siyentipiko.
“Students who are not necessarily familiar with engineering can get their teeth into building a machine and a robot out of a material that they’re already very familiar with. And it’s also a material that because it’s readily and widely available, the parts were standardized, we could share parts list to the other laboratories across the world,” sabi ni Dr. Oliver Castell ng Cardiff University. --FRJ, GMA Integrated News