Isang pambihirang operasyon ang isinagawa ng mga duktor sa Amerika nang operahan nila sa utak ang isang fetus habang nasa loob ng sinapupunan ng kaniyang ina. Ilang linggo matapos ang operasyon, ligtas at malusog na isinilang ang sanggol.
Sa video ng GMA News and Public Affairs Digitan na "Next Now," sinabing unang beses na isinagawa ang naturang operasyon sa fetus na nasa sinapupunan, at may kondisyon na "Galen malformation."
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng embolization, kung saan may inilalagay na isang specialized material sa ugat para mapigilan ang mabilis na pagdaloy ng dugo.
Habang nasa sinapupunan, natuklasan na mayroong Galen malformation ang fetus, isang abnormality na labis ang bilis ng pagdaloy ng dugo patungo sa utak sa sandaling isilang ang bata.
Karaniwang isinasagawa ang operasyon sa mga sanggol na may ganitong kondisyon kapag isinilang sila. Pero kadalasan, huli na.
Isa sa bawat 60,000 sanggol ang may Galen malformation na nagdudulot ng hearth failure, hypertension, brain damage at pagkamatay.
Nang isagawa ang operasyon sa fetus, 34 weeks na siya at ilang lingggo na lang ay isisilang na.
Kaya naman inalok ng mga duktor ang ina ng sanggol na isagawa ang pambihirang operasyon para mailagay ang napakaliit na bagay sa ugat ng utak ng fetus upang mapabagal ang daloy ng dugo.
At nang isilang, maayos ang kalagayan ng sanggol. Wala ring nakitang masamang epekto sa isinagawang operasyon sa kaniya habang nasa sinapupunan.
"The aggressive decline usually seen after birth simply did not appear. At six weeks, the infant is progressing remarkably well," ayon kay Dr. Darren Orbach, neurointerventional radiologist
Ang matagumpay na operasyon sa fetus ay isang malaking hakbang para mas marami pang sanggol na may karamdaman ang maaaring magagamot bago pa man sila isilang.--FRJ, GMA Integrated News