Inutusan ng Dutch court ang isang lalaki na huwag nang mag-donate pa ng kaniyang sperm sa kahit saang bahagi ng mundo. Ang lalaki, tinatayang nasa 500 hanggang 600 na umano ang naging anak dahil sa ginagawang donasyon ng kaniyang semen sa mga klinika.
Batay sa pahayagang de Telegraaf, sinabi ng Reuter na kinilala ang lalaki na si Jonathan Meijer, 41-anyos.
Nakasaad umano sa desisyon ng korte na pagmumultahin si Meijer ng 100,000 euros ($110,000) sa bawat paglabag na gagawin nito kung hindi susunod sa utos ng hukom.
Ang desisyon ng korte ay bunsod ng civil case na inihain ng isang foundation na kumakatawan sa donor children at Dutch parents.
Inatasan din ng korte si Meijer na sumulat sa mga klinika sa ibang bansa na sirain ang kaniyang ibinigay na semen na naka-stock pa. Maliban na lang sa mga nakareserba na sa mga magulang na mayroon na siyang anak.
Ang desisyon ng korte ay bunsod ng kasong sibil na isinampa ng foundation na kumatawan sa mga donor children at Dutch parents na gumamit ng donasyong semen ni Meijer.
Iginiit ng mga nagsampa ng kaso na ang patuloy na pagbibigay ni Meijer ng kaniyang semen ay paglabag sa "right to a private life" ng kaniyang donor children.
Maaari umanong magkaroon ng aksidenteng relasyon ang mga donor children sa kanilang mga kapatid na hindi nila kilala at maging dahilan ng "incest" at "inbreeding."
Taong 2017 nang maging kontrobersiyal ang ginagawang mass donation ni Meijer ng kaniyang semen. Sa nasabing taon, pinagbawalan na siya na mag-donate ng kaniyang semen sa isang Dutch fertility clinics kung saan umabot sa 100 ang kaniyang anak.
Pero nagpatuloy umano si Meijer sa pag-donate ng kaniyang semen, kabilang sa isang Danish sperm bank Cryos na abot sa ibang bansa ang operasyon.
Gumagamit din umano ng ibang pangalan si Meijer kapag nag-aalok ito na maging sperm donor sa mga magulang.-- Reuters/FRJ, GMA Integrated News