May bonus na atraksiyon na nadatnan ang mga turistang pumunta sa Buntod Reef Marine Sanctuary & Sandbar sa Masbate nang makita nila ang mamula-mulang baybayin dahil sa napadpad na sangkaterbang maliliit na hipon o alamang.
Sa video na kuha ng turistang si Lea Saenz, makikita ang mahabang hilera ng tila mapupulang lumot na humalo sa puting buhangin sa tabing-dagat. Pero nang lapitan nila, nakita nila ang sangkaterbang maliliit na hipon.
Dahil malinis naman ang mga alamang, kani- kanilang kuha na ng lalagyan ang mga residente at ilang turista. May mga nakapuno ng mga balde, cooler at mga supot.
"Ang dami talaga," ani Lea na iniupload sa social media ang video.
Batay sa kuwento ng mga residente, inaasahan nila ang ganoong pangyayari. Isa o dalawang beses daw kung mangyari iyon sa isang taon sa Masbate.
Sinabi naman ng lokal na opisyal, na mayaman talaga sa yamang-dagat ang Buntod Reef Marine Sanctuary and Sandbar.
Normal daw na pangyayari ang napapadpad sa baybayin ang mga alamang sa ganitong panahon.
Ligtas din umanong kainin ang mga maliliit na hipon.
"Season din ng migration ng mga whale shark po. Usually dadaan talaga iyan along Masbate pass o Ticao pass," ayon kay Alexis Mabini, OIC, Masbate CDRRMO. --FRJ, GMA Integrated News