Naging malaking palaisipan sa mga eksperto ang pagkamatay ng dose-dosenang stingray o pagi sa Brazil. Ang ipinagtataka nila, bakit mga stingray lang ang namatay at wala nang iba pang uri ng isda?
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang mga patay na page sa buhanginan at maging sa mababaw na bahagi ng dagat sa Guanabara Bay sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ang mga residente sa lugar na pangingisda ang ikinabubuhay, ikinalungkot ang nangyari sa mga page.
Ang mangingisdang si Renato dos Reis Oliveira, sinabing iyon ang unang beses na nangyari sa kanilang lugar.
Kaagad namang nagsagawa ng pag-analisa ang mga eksperto. May kakaiba silang napansin at napatanong kung bakit mga page lang ang namatay at wala nang iba pang uri ng isda.
Kung polusyon o kakulangan ng oxygen ang dahilan ng pagkamatay ng mga page, dapat ay may iba pang uri lamang-dagat ang maapektuhan.
Kaya ang biologist na si Ricardo Gomes, hinihinala na maaaring "trawling" ang dahilan ng pagkamatay ng mga page.
Ang trawling ay isang paraan ng pangingisda na hinihila ng mga naglalayag na bangka ang fishing net.
Posible umanong napasama sa trawling o net ang mga stingray at kinalaunan ay iniwan na lang ng mangingisda sa baybayin.
Patuloy pang pinag-aaralan ng mga eksperto ang insidente at papanagutin ang mapapatunayang nasa likod nito lalo na kung tama ang hinala na trawling ang dahilan ng pagkamatay ng mga page.--FRJ, GMA Integrated News