Isang rest house sa Bataan ang pinamumugaran na umano ng mga maligalig na kaluluwa kaya pinuntahan ni Ed Caluag. Pero sa gitna ng kaniyang imbestigasyon, biglang sumama ang kaniyang pakiramdam na tila sinasakal. At ang isang residente sa lugar, may nakagigimbal na impormasyon na ibinigay.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Kuya Kim Atienza, mapapanood ang pagbisita ng paranormal researcher na si Ed Caluag sa isang rest house upang alamin kung totoo na may mga ligaw na kaluluwa na namumugad dito.
Kaagad daw na nakaramdam si Ed ng malakas na enerhiyang bumabalot sa bahay.
“May tumakbong bata roon. May matandang babae rito. Iba ‘yung pakiramdam ko roon sa kuwarto,” pag-obserba ni Ed sa rest house.
“Kinailangan ko agad pasukin ‘yung bahay para ma-pacify itong spirits na nandoon sa loob. Nakita ko na medyo may pagka-violent, may tendency na manakit,” sabi ni Ed.
Habang nagsisiyasat si Ed, nagkaroon ng kumosyon nang biglang himatayin ang isang bata. Ayon kay Ed, nakita niya na hinawakan ng kakaibang nilalang ang bata kaya ito hinimatay.
Ipinatingin sa klinika ng barangay ang bata, at kinalaunan ay ipinatingin din kay Ed dahil may nararamdaman daw ang bata na nanggagambala sa kaniya.
Pagbalik sa rest house ni Ed, muli siyang nagsagawa ng rituwal. Mayroon din umanong mga kaluluwa na nakikipag-usap pero hindi ito madinig sa mic.
Habang patuloy ang pag-iikot si Ed, nakaramdam siya ng pananakit ng leeg na tila sinasakal kaya siya inubo at halos masuka.
Nang magtanong si Ed kung may namatay sa lugar, sinabi ng residente na malapit sa rest house na may dalawang insidente na nagbigti umano sa kanilang lugar.
“Everytime na sila’y gumagala or dumadaan sa bahay, nakakakita sila ng mga babae. Laging may nakaputing babae nasa labas ng bahay,” dagdag ni Luz Du.
Nagsagawang muli ng rituwal si Ed para maisara ang lagusan ng mga kaluluwa at maalis sa bahay ang mga kaluluwa.
“Infested siya ng different spirits. Nag-i-invite pa ito ng maraming entities, unless ma-cleanse ang lugar. The only reason na nakuha kung bakit sila nandoon is dahil noong ginagawa pa lang ‘yung bahay, ‘yun kasi ‘yung sinabi nila na nandoon sila. Isang malaking factor na naging bakante ‘yung area,” paliwanag ni Ed.
Pinayuhan din ang caretaker na alisin ang salamin na nagiging daanan umano ng mga kaluluwa.
Samantala, may nakunang larawan ang mister ni Du na tila pigura ng isang tao na hindi mawari. Pero hindi raw kasama ng team kung ano o sinoman ang nakuhanan ng larawan.
Isa kaya sa mga kaluluwang gumagala sa rest house ang nakuhanan ng larawan? Alamin ang paliwanag ng isang photography expert, at ang paliwanag din ng duktor kung bakit hinimatay ang bata. Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News