Kabilang ang mga elepante sa mga hayop na kilalang matalino. Pero emosyonal din sila at nasaksihan mismo ito ng mga rescuer sa China nang subukan ng isang elepante na sagipin ang mas maliit na elepante na nahulog sa hukay na may tubig.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing nahulog ang elepante sa gitna ng isang forest reserve sa Yunnan province kung saan malayang nakakagala ang mga elepante.

Nagpalipad ng drone ang mga rescuer sa lugar kung nasaan ang hukay para maplano nila kung paano masasagip ang hayop.

Pilit na umaahon ang nahulog na elepante sa maputik na hukay pero bigo siya. Kaya naisipan ng mga rescuer na magpatawag traktora para gumawa ng hukay na magsisilbing rampa para makaahon ang elepante.

Ngunit bago pa man makarating ang rescue team sa lugar, isang mas malaking elepante dumating at tila kinausap ang nahulog na elepante.

Tila pinakalma ng mas malaking elepante ang nahulog na kasama sa ginawa nitong pagtapik gamit ang mahaba niyang nguso.

Matapos nito, sinubukan na ng malaking elepante na gumawa ng paraan para matulungang makaahon ang nahulog na elepante. Subalit nabigo siya.

Nang tila mapagod, humiga siya sa gilid ng hukay pero hindi iniwan ang kaniyang kasama.

“The elephant wanted to rescue the trapped elephant in its own way, and the trapped one struggled to get out but failed. Then we sent for an excavator here for the rescue efforts,” sabi ni Zeng Weiyi ng Mengman Forestry Service Center.

Pinalayo muna ng rescue team ang malaking elepante bago pinalapit sa hukay ang excavator na gumawa ng daan upang makaahon ang na-trap na elepante.

Matagumpay ang rescue mission at nakabalik na ang elepante sa kaniyang mga kasama nang walang pinsalang tinamo sa katawan sa nangyaring insidente.

Sinabi ng mga awtoridad na nakikipaglaro ang elepante nang aksidente itong nahulog sa hukay.

Tinabunan na ang hukay para hindi na muling mangyari ang insidente.

Isang wild Asian elephant ang nasagip, na malayang naninirahan sa Xishuangbanna Dai Autonomous Prefecture.

Prayoridad sa China ang pangangalaga sa mga elepante, na binigyan ng A-level state protection.

Umakyat na sa 300 ang bilang ng mga elepante roon na minsan nang nanganib ang populasyon nang mas paigtingin pa ang wildlife protection program.--FRJ, GMA Integrated News